Ang pangarap kong jackpot: Mga panlalansi ng gobyernong Arroyo sa mamamayan sa kabila ng krisis

Matagal nang nahuhumaling sa Lotto, Sweepstakes at maging sa reality tv at game shows ang mamamayang Pilipino.
Tila ang mga palarong ito na lamang ang nagiging last resort ng mamamayan upang maiahon ang kani-kanilang pamilya sa gitna ng matinding epekto ng krisis ng imperyalismo, sa mga mala-kolonyal at mala-pyudal (MKMP) na sistema ng lipunan, gaya ng Pilipinas.
Wheel of [un]fortune
Bunsod ng palagiang krisis ng MKMP lipunan at matinding dagok ng Global Financial Crisis (GFC) sa bansa, maraming manggagawa, mala-manggagawa, propesyunal at ibang kawani sa gobyerno ang araw-araw na nawawalan ng hanap-buhay habang libu-libo naman ang nababawasan ng oras ng pag-gawa sa mga pagawaan, empresa at pabrika.
Sa kabila ng pagpupumilit ng rehimeng Arroyo na pagtakpan ang krisis, ang mga ahensiya mismo ng gobyerno tulad ng Department of Labor and Employment ay na-aalarma na sa sistematiko at malawakang tanggalan sa trabaho.
Pagpasok pa lamang ng 2009, mahigit 20,000 na ang nasisante habang mahigit 30,000 naman ang binabawasan ng araw sa pag-gawa dahilan sa pagbagal ng produksyon at pagsasara ng mga pagawaan.
Sa datos ng Kilusang Mayo Uno (KMU), isang malawak na alyansa ng mga manggagawa, sa Southern Tagalog nasa 12,000 manggagawa na ang natatanggal sa trabaho. Habang sa Central Luzon naman ay 5,011 at sa Cordillera ay may 1,916 sa minahan ang nawalan ng hanap-buhay.
Noong Oktubre 2008 hanggang sa kasalukuyan, 386 kontrakwal na manggagawa ng sem conductors ang tinanggal habang 1,746 naman ang limang araw na lang ang pasok. Hindi rin nakaligtas ang 450 kontrakwal at 100 regular na manggagawa sa semi conductors sa Test tech Inc. sa Batino, Laguna ang nawalan ng trabaho.
Nakapanlulumo namang malaman na 170 regular na manggagawa ng Deisho Philippines, ang dalawang araw na lang ang pasok na dati ay anim na araw sa isang linggo. Kinagulat din ng marami ang pagsasara ng pagawaan ng Intel Corporation noong nakaraang buwan, kung saan 1,800 manggagawa ang nawalan ng hanap-buhay.
Bulnerable ding mawalan ng trabaho ang mahigit 500,000 manggagawa sa mahigit 60 malalaking empresa ng mala-manupaktura ng mga pyesa ng elektronik. Gayundin ang 120,000 manggagawa sa mga pagawaan ng damit. Dagdag pa, ang mga empresa ng mwebles, semento, pag-mimina at maging sa sektor ng serbisyo.
Lulan ng krisis, dumadalang na rin ang trabaho sa ibang bansa. Sa pahayag ng International Labor Organization (ILO), hindi na kayang itanggi pa ang krisis. Dagdag pa ng ILO, tinatayang halos 50M katao ang mawawalan ng trabaho sa buong mundo.
Sa datos ng Migrante International, pinaka-malawak na alyansa ng mga migranteng Pilipino, dahil sa pagbagsak ng negosyo, pagsasara ng mga pagawaan na nagresulta sa malawakang tanggalan sa trabaho, bumalik na sa bansa ang Overseas Filipino Workers (OFW) na nagmula sa: Taiwan (6,468), United Arab Emirate (298), Canada (180), Australia (81), Korea (74), Macaw (152), Brunei (69), Russia (19), United Kingdom (16), Poland (7), Abudabi (800) at Dubai (30), simula Oktubre noong nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan.
Sa pagdami ng OFWs na bumabalik sa bansa, higit pang lolobo ang bilang ng disempleyo at madadagdagan ang 1.5M ng bagong pwersa sa paggawa. Paniguradong lalampas sa 12M Pilipino ang wala o kulang sa trabaho ngayong taon.
At upang masabing may ginagawang solusyon ang gobyernong Arroyo sa malawakang disempleyo at krisis sa ekonomya, nagpakulo ito ng ecomonic stimulus package na nagkakahalagang P330 Bilyon na siyang maglilikha ng tatlong milyong trabaho.
Ayon sa gobyerno, magmumula ang pondo nito sa: P160B sa incremental budget, P40B sa mga indibidwal at corporate tax rates, habang P100B naman sa government fund institute, pribadong sektor (ngunit walang sinuman mula sa pribadong sektor ang nangangako), GOCCs, at P30B ay magmumula sa pondong panseguridad ng Phil Heatlh, GSIS at SSS.
Ngunit sa isang korap na gobyernong Arroyo, tiyak na mapupunta lamang ang mga pondong ito sa pandarambong at hindi mapapakinabangan ng mamamayan, bagkus, dagdag pasanin at higit na pagpiga sa sambayanan.
Kaya naman, nakakadismayang isipin na ang mga ahensiyang tanging inaasahan ng mamamayan na makakatulong sana sa kanila sa gitna ng kagipitan, ay siya pang tinarget ng gobyernong pagkunan ng pondo para pagkakitaan ng rehimen at ng kanyang kronis.
One time, big time
Kailangang magtipid at rumaket (sideline na trabaho). Ayan ang madalas ibukang-bibig ng maraming Pinoy ngayon, nang sa gayon ay may pandagdag na budget sa mga nagmamahalang bilihin at bayarin sa panahon ng matinding krisis.
Kaya naman, hindi nakakapagtakang isipin kung bakit ganoon na lamang kahaba ang pila sa Lotto outlets ngayon. Sapagkat, mahigit P348M ang jackpot prize sa Lotto. Batay sa Philippine Charity Sweepstakes Office, ito na ang pinaka-malaking papremo sa Lotto.
Naabutan ko si Tatay Luis, 52 taong gulang, isang propesor sa kolehiyo, na naka-pila sa tayaan ng Lotto. Ayon kay tatay Luis, may kalahating oras na rin siyang nakatayo, ngunit hindi balakid sa kaniya ang init at pagkangalay makataya lamang sa Lotto.
“Nagbabakasakaling manalo. Malaking ginhawa rin iyon sa aking pamilya,” saad ni tatay Luis. “Sa laki ba naman ng jackpot prize, kahit itong pamasahe ko sana pauwi ay pinataya ko na,” natatawang pahayag ni tatay Luis.
Aniya, ngayon lamang siyang nahikayat tumaya sa Lotto. Bukod sa dahilang malaki ang jackot prize ay dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin at bayarin. “Eh, kahit anong gawing pagtitipid, pigang-piga na. Hindi naman sapat ang sahod ko para sa pang-araw araw naming mag-anak. Lalo na’t mag-kokolehiyo na ang aking anak, paniguradong mahal ang matrikula,” daing ni tatay Luis, habang pinupunasan ang pawis sa kanyang noo.
Kwento pa ni tatay Luis, dalawang pamantasan na ang kaniyang tinuturuan at suma-sideline pa siya bilang tutor. Humigit-kumulang P3, 000 lamang kasi ang kaniyang sahod kada-kinsenas. “Malaki kasi ang nakakaltas sa sahod ko para sa tax at hulugan gaya ng SSS at Phil Health,” paliwanag ni tatay Luis. Kaya naman, laking gulat na lamang niya nang malaman ang tungkol sa stimulus package program ng gobyerno. “Nakakatakot isipin, baka kung kaninong bulsa na naman mapunta ang matagal na naming binabayaran at hindi man lamang magamit,” dagdag pa ni tatay Luis.
Kung si tatay Luis ay ngayon lamang sumubok tumaya sa Lotto, si Mang Bordz naman ay dalawang taon nang nagpapataya sa lotto. “Swertihan na lamang siguro,” saad ni Mang Bordz. “Minsan binabalatuan din ako ng mga kakilala, malaki na ang P500,” pahayag pa niya.
Samantala, pitong taon nang tumataya sa lotto si Aling Mona, 37 taong gulang, pero kailanman ay hindi pa nakakaranas na manalo. Aniya, buhat ng matanggal siya sa trabaho, tanging inaasahan niya ay ang mga instant income upang makaalwa sa hirap ng buhay.
“Sa hirap ng buhay ngayon, lahat siguro ng pwedeng pagkakitaan ay gagawin ko,” wika ni aling Mona. Sumasali din siya maging sa text raffles at text games sa TV. “Magastos sa load. Pero ok lang, nanalo din naman ako ng P500 load,” pagtatapos ni aling Mona.
Ilan lamang sila na nag-aasam na ang mga napiling numero na ang siyang magbabago ng kanilang buhay.
Deal or No deal?
Sa patuloy na pakikipaglaro ng taumbayan upang manalo laban sa tumitinding kahirapan at kagutuman, dahil sa mga hungkag na hakbang ng inutil na rehimeng Arroyo, mismo ang rehimeng ito ang nag-gigiya sa sambayanan na bagtasin ang militanteng landas para harapin ang krisis at mag-aklas.
Ang GFC na rin mismo ang nagpapakita kung gaano kabulok ang sistemang kapital at nagpapaliwanag na ang krisis na imperyalismo ay kailanman ay hindi mareresolba. Sapagkat, kung labis-labis ang produksyon habang mga mamimili ay nananatiling mababa ang sahod, mababa ang pagbili sa mga produktong ito.
Dagdag pa, lalong pinatunayan nito, na ang Pilipinas ay isang MKMP lipunan na may permanenteng krisis bunsod ng Imperyalismo, Burukrata-kapitalismo at Pyudalismo (IBP) na siyang ugat ng kahirapan. At mula rito, nailalantad din na ang Pilipinas ay mayroong isang reaksyunaryong gobyerno, korap at papet na pangulo, na hindi handang magsulong ng mga batayang pangangailan ng mamamayan at taksil sa sambayanan.
Napaka-hinog ang mga kondisyon para magbuklod at kolektibong kumilos ang mga manggagawa, magsasaka, propesyunal, kabataan, maralitang taga-lungsod, pambansang minorya, at iba pang sektor sa lipunan, upang manawagan nang kagyat na pagpapatalsik kay Arroyo. Kalinsabay nito’y wasto at marapat na ibagsak ang IBP at reaksyonaryong gobyerno, upang makapagtatag ng bagong gobyernong magsusulong sa mga pangangailangan, interes at kagalingan ng Pilipino.
Sa pamamagitan lamang sa paglahok sa Pambansa-Demokratikong pakikibaka makakamit ang tunay na pagbabago sa lipunan. At upang maisakatuparan ito, kinakailangang maisulong ang Pambansa-Demokratikong programa para sa mamamayang Pilipino. Sapagkat, tanging sa pagpapatupad sa tunay na repormang agraryo at pagtataguyod ng Pambansang Industriyalisasyon, makalilikha ng sasapat na pangangailangan ng mamamayan na matagal nang ipinagkait ng reaksyonaryong gobyerno sa taumbayan. ###
*Si Anna Tolentino o Greyd Payb ay dating tagapangulo ng College Editors Guild of the Philippines – National Capital Region. Siya ngayon ay kasapi ng Pambansang Kalihiman ng League of Filipino Students.
Sanggunian:
Kilusang Mayo Uno
Migrante International
IBON Foundation
Unang inilathala
24th February 2009
Advertisements

2 thoughts on “Ang pangarap kong jackpot: Mga panlalansi ng gobyernong Arroyo sa mamamayan sa kabila ng krisis

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s