Date: December 12, 2020
Mood: Roller coaster emotions; raging hormones
Taong 2006 ko unang naka-daupangpalad si Romina “Sham” Astudillo, sa opisina ng Trinity Observer, ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng Trinity University of Asia (dating Trinity College).
Naging mas madalas ang aming pagkikita noong 2010 dahil naging propaganda staff siya ng Kabataan Partylist National Office. Noong mga sumunod na taon, mas naging malapit ang aming trabaho dahil naging taga-pangulo siya ng CEGP-NCR at kawani ng pambansang opisina ng CEGP taong 2012; Noong 2016 naman ay hinirang siyang ikalawang nominado ng Kabataan Partylist.
Maraming makakapagsabi na mahinhin, kalmado at tahimik na tao si Sham. Ngunit, kapag nakilala mo siya nang husto, ang hinhin ay may karampatang tindig-at-determinasyon para sa prinsipyong ipinaglalaban para sa mga pinagsasamantalahan; sa kabila ng unos ng buhay at kaliwa’t kanang dami ng gawain sa organisasyon, nananatili siyang kalmado sa pagtangan ng mga ito; tahimik siyang makikinig sa iyong mga kwento at “passionately” siyang magbibitaw ng kaniyang opinyon sa anumang paksa na meron kayo.

Kung mayroong 3-in-1 na kape, si Sham naman ay all-in-one na makinarya ng propaganda. Layout at graphics artist; manunulat at editor; mass lider at propagandista-organisador.
Hindi lang naman puro usaping pulitika at gawain ang nagpatibay ng aming pagkakakilanlan at pagkakaibigan. Ang mga simpleng kamustahan, palitan ng mga pelikula, yosi break, kapihan, catch-up dinner ay ilan lang sa ginugugol naming oras sa isa’t isa para ibahagi ang aming mga agam-agam sa buhay, kinakaharap na problema sa pamilya o trabaho, at buhay pag-ibig. Matuturing low-maintenance friendship ang meron kami ni Sham.
Noong nakaraang taon, naikwento niyang may Polycystic ovary syndrome (PCOS) na rin siya at may breast cancer ang kaniyang Mama. Hindi ko alam kung paano ko ibibigay ang moral support physically bilang hindi kami nakakapagkita at nag-iingat rin siya dahil may badya sa kaniyang seguridad.
Mas dumalang ang aming kamustahan at pag-uusap. Panatag ang aming pagkakaibigan pero palaging naka-alerto ang kaniyang buhay at kilos. Hindi ko na mabilang kung ilang SOS o Emergency texts ang kaniyang pinadala sa magkakaibang oras at panahon.
At nitong Hulyo nga ang huli naming kwentuhan. Syempre, bukod sa usaping putragis at matris, muli niya akong hinikayat na magsulat. Sabi ko, pag-iisipan ko.

Nitong Miyerkules ang huling tabletang ininom ko para sa PCOS. Bago matulog, iniisip ko kung saan na naman ako daldalhin ng hormones ko sa mga susunod na raw. Hindi lingid sa aking kaalaman, roller coaster emotions pala ang naka-abang.
Huwebes ng madaling araw ni-RAID ang bahay nina Diane at Denisse. Ito ang balitang bumungad sa akin pagkagising. Ilang beses ko ring nadatnan ang sarili na tumutulo ang luha habang nagtra-trabaho; naaalala ko ang mga maka-buluhang usapan, diskusyunan, payo at maging mga asaran.
Ilang oras lang ang pagitan, sina Sham, Icy, at iba pang trade union organizers naman ang dinakip ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at gumawa ng kung anu-anong istorya at nagtanim ng mga pekeng ebidensya laban sa kanila.
Sa mismong araw ng International Human Rights Day, ay winalangya ng gobyernong ito ang mga masugid na taga-pagtanggol ng karapatan at tapat na naglilingkod sa mga komunidad at bayan.
Hindi totoong may pag-aari silang mga granada’t baril. Ang tanging armas na tangan nina Sham ay ang mga lapis na panulat; mga aklat ng kasasayan ng pakikibaka ng mga Pilipino at mga talaan kung paano alamin ang tantos ng pagsasamantala sa uring manggagawa. ###































































































































